PINARANGALAN bilang 2015 Regional Champion pagdating sa Conduct Referral and Placement ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa ginanap na Public Employment Services Office (PESO)  Assessment at General Assembly ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region IV-A na ginanap sa Biñan, Laguna noong Hulyo 29, 2016.

“Ako po ay nagpapasalamat sa DOLE sa kanilang pagkilala sa mga programang ibinibigay ng ating pamahalaang lokal sa ating mga kababayang naghahanap ng trabaho. Dahil sa walang sawa nating pagtulong at pakikipag-ugnayan sa mga pribadong kumpanya, libu-libong kababayan na ang ating nabigyan ng trabaho,” pahayag ni Mayor Ynares.

Nakapagtala ang lungsod ng mahigit 20,000 job seekers na nabigyan ng tulong ng PESO sa mga job fair at referral program na isinagawa noong taong 2015. Naglaban-laban ang 4 na siyudad ng lalawigan; Biñan, Calamba, Lucena at Antipolo sa Component City Category kung saan nakuha ng lungsod ang pinakamataas na bilang na naitalang job seeker na nabigyan ng trabaho. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nasungkit ng lungsod ang naturang parangal.

Kasalukuyang pinagtutuunang pansin naman ng PESO ang pagbibigay ng Career Guidance sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng Grade 10 student upang magabayan ang mga kabataan sa mga trabahong maaari nilang pasukan sa oras na  makapagtapos sa Senior High School.

Kasabay namang pinarangalan ang Lalawigan ng Rizal bilang Best PESO Provincial Level, Regional Champion sa Employment Coaching at Regional Champion naman sa Labor  Market Information dahil sa mga programa nitong tumutulong upang mas marami pang Rizaleño ang makapagtrabaho.