Pinarangalan ang Antipolo City bilang pangatlo sa buong Pilipinas sa Best Tourism Week/Month Celebration ng Department of Trade (DOT) at ng Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) sa ginanap na 11th ATOP-DOT Pearl Award noong Oktubre 6, 2016 sa Royce Hotel, Clark Pampanga. Binigyang pansin ang mga magandang proyekto ng lungsod na bunga ng magandang pakikipag-ugnayan sa mga pribadong establisyemento na nagsusulong at nag-aangat ng turismo.

“Ikinagagalak ko po na mapabilang ang Antipolo sa mga kinikilalang lungsod na nagsusulong ng turismo sa ating bansa. Tayo po ay nagpapasalamat sa ATOP-DOT sa ibinigay sa ating parangal para sa mga programang ating isinasagawa upang mapalakas pa ang industriya ng turismo. Patuloy po tayong gagawa at magpapatupad ng mga ganitong proyekto para sa ikauunlad ng ating siyudad,” pahayag ni Mayor Jun Ynares.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong lumahok ang Antipolo City Culture, Arts and Tourism Promotions Office (AnCCATPO) sa patimpalak kung saan ipinagmalaki ng pamahalaang lokal ang 3rd Antipolo Tourism Fair. Isinagawa ang programa noong Setyembre 17-20, 2015 sa Robinsons Place Antipolo na may temang “Explore Antipolo: The Pilgrimage City in the Mountains” na nilahukan ng mga tourism stakeholders sa lungsod.

Ibinibigay ang ATOP-DOT Pearl Award sa mga local government units (LGUs), indibidwal at samahan na nagsasagawa ng mga programang tumutulong mapaunlad ang turismo sa bansa.