Dalawang parangal ang iniuwi ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa ginanap na 2016 Regional Nutrition Awarding Ceremony CaLaBaRZon noong Nobyembre 11, 2016 sa Acacia Hotel, Alabang, Muntinlupa City. Kinilala si Ms. Thelma S. Lontoco ng Barangay Mayamot bilang 2015 Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS) at ang Barangay Bagong Nayon bilang Finalist ng Regional Outstanding Barangay Nutrition Committee (BNC).

Pinasalamatan ni Mayor Jun Ynares ang National Nutrition Council- Region IV-A dahil sa pagkilala ng mga proyektong pangkalusugan ng lungsod. Pinuri din ng butihing mayor ang mga barangay sa walang sawang pagtulong sa pamahalaang lokal sa pagpapatupad ng mga programang magreresolba ng malnutrisyon sa lungsod.

Pinangunahan ng City Health Office (CHO) ang pagpili sa BNS na may gradong hindi bababa ng 88% batay sa kanilang performance evaluation samantalang ibinase din ang pagpili ng BNC na may mataas na porsyento ng nutrisyon mula sa pag-iimplementa ng Barangay Nutrition Action Plan (BNAP) partikular ang programang Operation Timbang (OPT) Plus ngayong taon.

Patuloy naman ang Antipolo City government sa pagbababa ng mga nutrition program sa lahat ng barangay upang malutas ang isyu ng malnutrisyon sa siyudad maging ang pagbibigay ng mga libreng seminar at training sa mga BNS upang dagdagan ang kanilang kaalaman sa nutrisyon.