GINAWARAN ng National Library of the Philippines (NLP) ang Antipolo City Library sa pagkakapanalo nito ng ikaapat na pwesto sa 2016 Search for Outstanding Public Libraries of the Philippines. Bukod dito, inuwi rin ng naturang opisina ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang Community Service Award bilang pagkilala sa katangi-tanging serbisyo publiko nito sa mga katutubong Dumagat. Ginanap ang awarding ceremony noong Nobyembre 4, 2016 sa Manila Grand Opera Hotel, Makati.

Ayon kay Mayor Ynares, ikinalulugod at ipinagpapasalamat niya ang mga bagong parangal na iginawad sa lungsod. Aniya, walang pinipili ang pamahalaang lokal sa pagbibigay ng serbisyo. Naniniwala siya na lahat ng mamamayan, katutubo man o may kapansanan ay may karapatang mabigyan ng libreng edukasyon.

Noong Abril 2015 nang simulan ng Antipolo City Library ang Literacy Program nito para sa mahigit 30 katutubong Dumagat kung saan tinuruan ang mga ito na sumulat at bumasa.

Bukod sa Certificate of Recognition, nakatanggap din ng samu’t saring libro at study materials ang City Library mula sa NLP na nakatakdang ipamahagi sa mga nasabing katutubo.

Sa darating na Nobyembre 21 hanggang 25, magtatayo naman ng mini library ang pamahalaang lokal sa Sumulong Park kung saan iba’t ibang klase ng babasahin ang maaaring magamit ng walang bayad bilang pagdiriwang ng “National Book Month”.                   

Bago naman matapos ang taon, magsasagawa ng “PWD-Free Lesson for the Blind” ang City Library.