Pagkatapos parangalan ang Antipolo City bilang 3rd Most Competitive City sa buong Pilipinas, muli na namang umani ang lungsod ng pagkilala mula sa National Nutrition Council (NNC) nang gawaran ito ng “City Outstanding Barangay Nutrition Committee Award” sa buong Region IV-A noong Septyembre 8, 2015 sa ginanap na 2015 CaLaBaRZon Regional Nutrition Awarding Ceremony sa Hotel Jen, Pasay City. Pinahanga ng Barangay Bagong Nayon ang Regional Nutrition Evaluation Team (RNET) noong Abril kung saan pinuri ng RNET ang episyente at epektibong pagpapatupad ng mga programang magtataas sa nutrisyon ng mga bata sa ilalim ng direktiba ni City Mayor Jun Ynares katuwang ang nasabing barangay. Nagdulot ito ng magandang resulta at malaking pagbabago sa kalusugan at timbang ng mga bata.

“Ito po ay patunay lamang na ang aming pamahalaang lungsod ay patuloy na nilalabanan ang malnutrisyon sa aming lungsod. Alam po natin na isa ang Antipolo City sa CaLaBaRZon na may pinakamataas na bilang ng mga malnourished na bata bago po tayo naging mayor noong taong 2013. Kaya hindi po kami titigil sa pagpapatupad ng mga programang mag-aalis sa Antipolo City sa listahan ng may pinakamataas na malnutrisyon,” saad ni Mayor Ynares.

Mula sa 30.37% noong taong 2013, bumaba ang malnutrition rate ng lungsod sa 18.91% ngayong taon.