Umangat ang Lungsod ng Antipolo ngayong taong 2015 bilang 6th Overall Most Competitive Component City sa buong Pilipinas mula sa ika-26 na pwesto noong 2014. Kinilala ang maunlad na lungsod sa 3rd Regional Competitiveness Summit na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City nitong nakaraang Hulyo 16, 2015.

 Nakamit din ng lungsod ang titulong “3rd Most Competitive City” sa buong bansa para sa Infrastructure Development Category mula sa masusing pagpili ng National Competitiveness Council (NCC).

Naging kapansin-pansin sa NCC ang mga proyektong ipinatupad ng Antipolo City sa loob lamang ng dalawang taon sa ilalim ng panunungkulan ni Mayor Jun Ynares. Sinimulan ito sa pagpapatayo ng 4 na ospital na sinundan pa ng ibang comprehensive infrastructure development program katulad ng Antipolo City Institute and Technology (AiTECH), Antipolo Science High School, ang bagong renovated na city hall, mga rural hospital units (RHU), road constructions, pabahay, school buildings at ang matagumpay na rehabilitasyon ng Hinulugang Taktak Protected Landscape (HTPL).

Naging salamin din ito ng pagtaas ng Project Implementation Rate ng lungsod ng Antipolo kung saan 78% ng mga programa at proyekto sa Annual Investment Program (AIP) ang naisakatuparan kumpara noong nakaraang administrasyon na umabot lamang sa 53% ng mga proyekto at programa ang naisagawa.

Personal na tinanggap ni Mayor Ynares ang prestihiyosong parangal kasama ang mga kawani ng pamahalaang lungsod. Samantalang ang 1st and 2nd place ay iginawad sa lungsod ng Naga sa Camarines Sur at Dasmariñas, Cavite.