Kusang sumuko sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang halos 50 drug pushers at users noong Hulyo 1, 2016 sa Antipolo City Hall. Binigyang diin ni Mayor Jun Ynares na sumusuporta ang pamahalaang lokal sa OPLAN RODY dahil sa lumalalang kaso ng droga sa bansa.

“Mas palalakasin natin ang pwersa ng kapulisan sa pagkitil ng droga sa ating siyudad. Asahan po natin ang mas mapayapang lungsod ng Antipolo ngayong may bago nang pangulo ang bansa. Naniniwala po ako na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa ating mga sarili,” pagdidiin ni Mayor Ynares.

Puspusan naman ang pakikipag-ugnayan ni Mayor Ynares sa Philippine National Police (PNP) at bawat barangay para sa walang patid na pagroronda sa mga lugar kung saan hinihinalang talamak ang bentahan at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot.

 Hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang mga nagtutulak at gumagamit ng droga na sumuko na at magbagong-buhay nang sa gayon, tuluyan ng maging ganap ang pag-unlad hindi lamang ng kani-kanilang pamilya kundi ng buong bayan.

Sinimulan ni Mayor Ynares noong 2014 ang pagbuo ng Antipolo City Anti-Drug Abuse Council (ACADAC) kung saan iniikot nito ang lahat ng paaralan at barangay sa lungsod upang magsagawa ng symposium hinggil sa pag-iwas sa droga ng mga kabataan.