MAHIGIT 10,000 mag-aaral ang sumailalim sa anti-drug campaign seminars ng Antipolo City Anti-Drug Abuse Council (ACADAC) ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, mula nang sinimulan nila ang pag-iikot sa mga pambuliko at pribadong paaralan taong 2015 upang mailayo ang mga kabataan sa paggamit ng iligal na droga.

“Ang sabi nga po nila, ang maagap na pag-iingat ang pinaka mahusay na lunas kung kaya’t tayo po ay nagbibigay ng mga libreng seminars sa ating mga kabataan upang tumatak sa isip nila na walang magandang maidudulot ang paggamit ng iligal na droga,” pahayag ni Mayor Ynares.

Layunin ng ACADAC na magbigay ng preventive education services o mga lectures sa mga magulang, grupo ng mga kabataan, mga guro o opisyal ng paaralan, non-government organizations (NGOs), kooperatiba at maging sa mga pribadong kumpanya.

Itinuturo dito ang mga palatandaan at sintomas ng pagdodroga gaya ng pagbaba ng timbang at pamumuti ng dila; at ang mga masamang epekto ng paggamit nito tulad ng pagkasira ng bait o pagkabaliw. Pinaaalalahanan din ang mga estudyante na mag-aral ng mabuti at maging malapit sa pamilya at sa Diyos bilang isa sa mga paraan upang makaiwas sa droga. Patuloy ang ACADAC sa pamimigay ng mga posters at pamphlets sa mga eskwelahan at establisyimento.

Kaagapay ng ACADAC ang Rizal Anti-Drug Abuse Office (RADAO) sa pag-alalay at paggabay tungo sa pagbabagong buhay ng mga nais sumailalim sa treatment at rehabilitasyon.

Taong 2014 nang maitatag ng pamahalaang lokal, sa ilalim ng direktiba ni Mayor Ynares, ang ACADAC upang palakasin ang kampanya kontra droga. Noong 2015, inilunsad ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) kung saan ibinaba sa bawat barangay ang pagtutok sa pagtaas ng kamalayan ng mamamayan hinggil sa mga paraan sa pag-iwas sa droga.