HANDANG sagutin ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, ang pagpapa-rehab sa mga drug users na kabilang sa mahigit 500 drug users at pushers na sumuko kamakailan. Lumobo na ang bilang ng mga sumukong residente na sangkot sa droga simula nang magbaba ng utos si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pamahalaang lokal ukol sa mahigpit na pagbabantay at pagsugpo sa droga at krimen.

“Kailangan po nating malaman at masuri ang pinag-ugatan ng pagkalulong sa droga ng isang tao upang mapag-aralan natin ang kaukulang solusyon para dito. Sinisikap po ng pamahalaang lokal na mabigyan ng karampatang aksyon ang sensitibong isyu na ito,” pahayag ni Mayor Ynares.

Susuriin ng Philippine National Police (PNP)-Antipolo ang mga sumukong drug users upang malaman kung kailangan na ba nilang sumailalim sa rehabilitasyon o treatment lamang. Tutulong naman ang pamahalaang lokal sa mga gastusin ng mga sumukong drug users sa kanilang pagpapagamot.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa mga pribadong rehabilitation center upang doon ilagak ang mga nais magpagamot.

Samantala, pinagpaplanuhan na ng Rizal Provincial Government, sa pamumuno ni Governor Rebecca “Nini” Ynares, ang pagtatayo ng malaking rehabilitation center sa probinsya. Binisita kamakailan ng gobernadora ang Department of Health – Treatment and Rehabilitation Center (DOH-TRC) sa may Taguig upang mapag-aralan at makakuha ng mga ideya.

Nauna nang naitatag ng pamahalaang lokal ang Antipolo City Anti-Drug Abuse Council (ACADAC) noong 2014 na nagsasagawa ng mga seminar sa iba’t ibang paaralan at mga barangay ukol sa mga masasamang epekto ng paggamit ng mga bawal na gamot at kung paano makakaiwas dito.

Patuloy pa rin ang pamahalaang lokal sa pagtutok sa mga operasyong kontra droga na isinasagawa sa lungsod gaya ng OPLAN Katok at Lingap Kabataan.