NAKATUTOK ang Office of Public Safety and Security (OPSS) ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa pagmamatyag sa mga lugar kung saan sinasabing talamak ang bentahan o paggamit ng iligal na droga sa lungsod alinsunod sa direktiba ni Mayor Jun Ynares na tulungan ang awtoridad sa pagsuplong nito.

“Para sa malakas na pwersa sa pagsugpo sa droga, kailangan po ng pamahalaang lokal ng tulong ng ating OPSS, Antipolo-PNP, mga kapitan ng barangay, lalo na po ang bawat isang Antipoleño para sa matagumpay na paglilinis ng iligal na droga sa lungsod. Tayo po ay nakasuporta sa pamahalaang nasyunal sa pagsusulong ng isang bansang malaya sa droga,” pahayag ni Mayor Ynares.

Bukod sa OPLAN SITA at walang patid na pagroronda ng OPSS sa buong lungsod, katuwang din sila ng City Social Welfare and Development Office (CSWD) at Antipolo-PNP sa OPLAN LINGAP KABATAAN kung saan umiikot sila tuwing gabi sa mga barangay para hulihin ang mga menor de-edad na nakatambay sa kalsada na lagpas ng curfew hours. Isa rin itong paraan upang mailayo sila sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot lalo na’t madalas nagaganap ang mga maling gawain sa paglalim ng gabi.

Samantala, itinalaga rin ng pamahalaang lokal sa buong Antipolo ang mga OPSS upang panatilihing maayos ang daloy ng trapiko at masusing mabantayan ang lungsod sa anumang gulo o aksidente na maaaring maganap upang maagapan ito.

Nagdagdag rin ang pamahalaang lokal ng OPSS personnel para sa mas malakas na kampanya sa kapayapaan, kaayusan, at drug-free na lungsod.