PANIBAGONG batch ng mga drug users at pushers ang boluntaryong sumuko sa Antipolo City Government, katuwang ang Antipolo Philippine National Police (PNP), noong Agosto 18, 2016 sa Antipolo City Hall kaugnay sa pinaigting na OPLAN Tokhang ng administrasyong Duterte. Mula Hulyo 1 hanggang Agosto sa kasalukuyang taon, pumalo na sa mahigit 1,200 ang bilang ng mga sumukong indibidwal na sangkot sa droga sa lungsod.

Pinasalamatan ni Mayor Jun Ynares ang mga sumuko at nagpakita ng kooperasyon na tuluyan nang mapigilan ang pagkalat ng droga sa bansa. “Nais ko po kayong batiin sa matapang ninyong pagharap sa amin dahil nangangahulugan lamang na nais niyo pong simulan ang totoong pagbabago. Kagaya nga po ng sinabi ko sa mga naunang sumuko, sana po ay makipagtulungan tayo sa pagbibigay ng mga impormasyon sa mga taong nasa likod ng pagtutulak ng mga iligal na droga,” sabi ni Mayor Ynares.

Sasagutin ng pamahalaang lungsod ang gastusin ng mga nagnanais magpa-rehab na drug users. Tatagal ng 8-12 buwan ang pagpapagamot at aabot sa P 20,000 ang halaga ng gamutan kada buwan.

Patuloy naman ang Antipolo-PNP katulong ang mga kapitan ng 16 na barangay sa pagsasagawa ng monitoring sa mga sumukong sangkot sa droga. Kaugnay nito, magsasagawa ng random drug test matapos ang ilang buwan para sa mga natalang sumuko upang masiguro at matukoy ang mga pasaway na residenteng patuloy pa rin sa paggamit ng droga.

Kasalukuyan pa ring nasa proseso ng pagpapatayo ng isang malaking rehabilitation center para sa buong probinsya ang Rizal Provincial Government, sa pangunguna ni Gov. Rebecca “Nini” Ynares.