HALOS P80,000 na insentibo ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa 50 Persons with Disability (PWD) Athletes kasama ang kanilang mga coaches sa ginanap na Monday Flag Ceremony noong Agosto 22, 2016 sa Sumulong Park. Nag-uwi ng 36 medalya ang mga manlalaro na lumahok sa 5th Philippine Sports Association for the Differently Abled (PHILSPADA) National Paralympic Games.

“Tayo po ay natutuwa at buong puso po nating ipinagmamalaki ang mga kababayan po nating kumatawan sa ating lungsod sa ginanap na ika-5 PHILSPADA National Para Games. Maging huwaran po sana natin ang mga kababayan nating atleta na bagaman may mga kapansanan ay hindi naging hadlang sa kanila upang ipakita sa lahat na kaya nilang magdala ng karangalan sa ating lungsod,” pahayag ni Mayor Jun Ynares.

Nagpadala ng kinatawan ang 16 barangay ng lungsod na nakipagtagisan ng lakas sa mga kapwa PWD Athletes. Nag-uwi ng 11 ginto, 12 pilak at 13 pilak ang mga Antipolenyong atleta sa larangan ng pagtakbo, javelin throw, discus throw, shot put, long jump, table tennis single at double, power lifting, at relay.

Isinagawa ang 5th PHILSPADA National Para Games noong Marso 28 hanggang Abril 2, 2016 sa Marikina Sports Center, Marikina City na dinaluhan ng 48 local government units (LGUs). Layunin ng programang himukin at isulong ang pakikilahok ng mga may kapansanan sa mga programang pampalakasan. Nais din ng proyektong mabago ang konsepto ng kaisipan ng nakararami sa pagkakapantay-pantay na pagtrato ng mga batang may kapansanan at sa mga batang normal.