INULAT sa naganap na Regional Peace and Order Council (RPOC)-4A na umabot na sa halos 80,000 ang bilang ng mga sumuko at inarestong drug users at pushers sa CaLaBaRZon simula Hulyo hanggang Setyembre.

Pinangunahan ni Antipolo City Mayor at Region 4A (CaLaBaRZon) Peace and Order Council Chairperson Jun Ynares ang pagpupulong na dinaluhan ng iba’t ibang governors at mayors ng mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon kasama ang mga kinatawan ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaaang nasyunal tulad ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Malacañang, Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Government (DILG), at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Setyembre 19, 2016 na ginanap sa Sta. Rosa, Laguna. Kabilang sa naging adyenda ang estado ng kriminalidad at ang ulat sa kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.

“Sa kasalukuyan pong nangyayaring kabi-kabilang pagsuko ng mga drug users at pushers, hindi po natin alam kung sino ang mga sinserong tutupad sa kanilang sinumpaang pangakong titigil na sa paggamit nito. Kaya’t kailangan po nating magtulungan lahat lalo na ang mga opisyales sa barangay na maging aktibo at agresibo sa mga operasyong kontra droga dahil naniniwala po ako na ang mga kapitan ang mas nakakaalam ng mga impormasyon na kailangan ng ating kapulisan upang mahuli ang taong sangkot sa droga,” pahayag ni Mayor Ynares.

Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na 75% sa mga barangay ng CaLaBARZon ang naklasipika na apektado ng iligal na droga.

Hinikayat naman ni Mayor Ynares, na dating gobernador ng Rizal, na suportahan ang mga programang kontra droga kabilang ang programa ng Department of Interior and Local Government (DILG)-CaLaBaRZon na “MASA MASID: Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Iligal na Droga,” isang programang pambarangay na naglalayong mawalis ang kriminalidad, kurapsyon, at iligal na droga kasama ang ilang pribadong ahensiya sa komunidad.

Ang probinsya ng Rizal ang may pinakakaunting bilang ng drug users at pushers base sa watch list ng Police Regional Office (PRO)-4A.