NAPUNO ng libu-libong guro ng Antipolo City ang Ynares Center sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day na may temang “Gurong Antipoleño Kabalikat sa Pagbabago” noong Oktubre 3, 2016  kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo. Namigay ang pamahalaang lokal, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ng halos P100,000 na cash prizes sa mga gurong nagwagi mula sa iba’t ibang patimpalak at palaro.

“Nais ko pong i-ugnay ang tema ng araw ng mga guro sa slogan ng ating lungsod na ‘Tayo na Antipolo.’ Kayo po ang nagturo sa amin ng dalawang kahulugan ng ‘tayo.’ Una, tayô, tumayo sa oras ng pagsubok at tumuloy sa buhay. Pangalawa, tayo, tayo ang mas unahin kaysa sarili, ‘we before me.’ Tayo, dahil tayo ang kailangan ng mundo,” sabi ni Mayor Ynares.

WorldTeachersDay

Nagparada ang mga guro, sa pangunguna ng Department of Education (DepEd) – Antipolo, mula Ynares Center hanggang Antipolo Cathedral na sinundan ng isang thanksgiving mass. Naging kapana-panabik ang pagdiriwang dahil sa sunud-sunod na programang inilaan para sa mga dakilang guro ng lungsod.

WorldTeachersDay2       

Bilang pagpapakita ng todong suporta, dinagdagan ni Mayor Ynares ang mga allowance ng mga guro ng DepEd na umabot sa P66.9 M. Bukod dito, nagbigay din kamakailan ng P6.6 M na scholarship grants at mga laptop ang pamahalaang lokal sa ilalim ng programang “Numero Unong Guro.”

Naging daan din sa pagpapaunlad ng kakayahan at kaalaman ng mga gurong Antipoleño ang pagkakatayo ng mga prestihiyoso at de-kalidad na paaralan gaya ng Antipolo Science High School at Antipolo City Institute of Technology (AiTECH).