PINANGUNAHAN ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang pagdiriwang ng ika-21 na convention ng Barangay Health Workers (BHWs) Federation of Rizal na ginanap sa Ynares Center noong Oktubre 20, 2016. Nagtipun-tipon ang humigit kumulang na 1,500 BHW kasama ang mga doktor at mga kagawad na kumakatawan sa kani-kanilang bayan, upang maibahagi ang mga proyekto at programang nasimulan na at ipagpapatuloy pa para sa mamamayan ng Rizal.

BHWconvention2

“Nagagalak po ako na ang lungsod ng Antipolo ang napiling host sa selebrasyon na ito. Nabigyan po tayo ng pagkakataon na matunghayan ang talento ng mga BHWs at mapasaya din sila, na walang sawang kumakalinga sa kalusugan natin. Makakaasa po kayo na ang lungsod ay susuporta sa ating mga barangay health workers kamitin ang ating battle cry na ‘All for health towards health for all, achieve!’,” sabi ni Mayor Ynares.

BHWconvention3

Dumalo din sa nasabing programa si Rizal Governor Rebecca “Nini” Ynares na tinawag na bayani ang mga barangay health workers dahil sa kanilang dedikasyon sa serbisyo. Ayon pa sa kanya, wala nang gagastusin ang mga BHWs ng Rizal maging ang kanilang pamilya sa oras na magpagamot o ma-confine sa mga pampublikong ospital sa buong probinsiya.

BHWconvention1

Tinalakay sa programa ang Philippine Health Agenda na may layuning gawing patas, epektibo, abot-kaya, at mabilisang pag-aabot ng mga serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan ng buong Rizal. Naibahagi din ang pagpapalawig ng PhilHealth na nagbibigay na ngayon ng financial protection sa mga pasyenteng walang pambayad sa gastusin sa ospital.

Namigay din ang pamahalaang lungsod ng mga sako ng bigas, microwave ovens, washing machines at mga grocery packs bilang premyo sa raffle para sa mga BHWs.