HINDI natitinag si Mayor Jun Ynares sa pagpapairal ng malinis na pamahalaan at pamayanan mula sa patuloy nitong pagmamando sa pagsasagawa ng random drug test sa lungsod. Kamakailan nitong Setyembre, nagkaroon ng random drug test sa mga opisyales ng Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP)-Antipolo kung saan isa sa mga ito ang nagpositibo na gumagamit ng drograng methamphetamine o mas kilala bilang shabu.

“Isang paraan upang mas maging epektibo ang pagsugpo sa mga drug users at pushers sa ating lugar ay ang paglilinis muna sa ating kapulisan. Mahirap naman po kung ang nanghuhuli o bantay sa ating mga kulungan mismo ang siyang sangkot pala sa ganitong krimen. Isa itong ka-hipokrituhan na maituturing sa ating bayan, kaya’t tayo mismo po ay masidhing umaaksyon upang matugunan ang problemang ito,” sabi ni Mayor Ynares.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan sa BJMP-Region IV-A CaLaBaRZon ang naturang nagpositibo sa drogang opisyal kung saan maaari siyang masibak sa posisyon sa oras na mapatunayan sa pagkakasala nito.

Patuloy naman ang pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng random drug test sa mga kawani ng city hall simula pa noong 2013 kung saan 70 empleyado na ang nasibak sa serbisyo matapos magpositibo sa droga. Sinala rin ang mga kapulisan sa Antipolo at isusunod na ang mga tricycle drivers sa ilalim ng direktiba ni Mayor Ynares.