MAS pinalakas ang pinagsanib na pwersa ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, kasama ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan at mga sektor ng lipunan sa paglulunsad ng programang “Tayo Na Kontra Droga,” isang programang magwawakas sa paggamit at pagtutulak ng droga, mula sa matibay na direktiba at pagtugon ni Mayor Jun Ynares sa plataporma ni President Rodrigo Duterte. Naganap ang signing of pledge of commitment kaisa ang iba’t ibang kapitan ng mga barangay, kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP)-Antipolo, religious groups, at ang ilan pang organisasyon na bumubuo ng MASA MASID (Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Iligal na Droga) Technical Team sa Monday Flag Raising Ceremony noong Nobyembre 21, 2016 sa Sumulong Park.

Sabi ni Mayor Ynares, hindi lang dapat magpakita ng suporta kundi marapat lang na ariin ng lahat ng mamamayan ang naturang programa. Aniya, huwag na dapat hintayin na mabiktima pa ang ating mga kamag-anak bago natin itong tuluyang ariin. Hiniling niya na makipag-isa ang lahat sa pamahalaang lokal upang mapagtagumpayan ang proyekto.

TayoNaKontraDroga4

Tinutulungan ng programa ang mga taong naging biktima at naligaw ng landas dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot na naghahangad na makapagbagong-buhay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng community-based rehabilitation programs. Bukod dito, habang hinihintay na matayo ang rehab center sa Antipolo mula sa inisyatibo ni Mayor Ynares, sasagutin muna ng pamahalaang lungsod ang gastusin ng mga drug surrenderees na kinakailangang sumailalim sa rehabilitasyon. Tatagal ng 8-12 buwan ang pagpapagamot at aabot sa P 20,000 ang halaga ng gamutan kada buwan.

TayoNaKontraDroga3

Ayon sa ulat ni Antipolo Chief of Police Ruben Andiso, mahigit 1,700 na ang bilang ng mga sumukong drug users at pushers sa lungsod ng Antipolo simula pa noong Hulyo 1 ngayong taon.