SAMA-SAMANG nilabanan ng mga Antipolenyo ang sakit na AIDS (Acquired Immunodeficiency Syndrome) matapos ipagdiwang ang World AIDS Day mula sa pangangasiwa ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares,  noong Disyembre 2, 2016 sa Our Lady of Fatima University (OLFU) – Antipolo Campus. Katuwang ang Antipolo City Health Office (CHO), idinaos ang programa upang bigyang kaalaman ang mga mamamayan tungkol sa peligro na dulot ng sakit na AIDS at kung paano ito maiiwasan.

Ayon kay Mayor Ynares, bukas ang pamahalaang lokal na tulungan ang sinumang dumaranas ng naturang karamdaman. Aniya, walang patid ang kampanya at pagpapakalat ng kaalaman ng pamahalaang lungsod sa mga mamamayan upang maiwasan ang pagdami ng mga nabibiktima ng AIDS.

WorldAidsDay1

 

Dalawang positibo sa naturang sakit ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa mahigit 400 medical students ng OLFU kabilang ang mga staff at faculty ng unibersidad. Nakiisa rin sa naturang okasyon si na Antipolo First District Board Member Enrico De Guzman, Konsehal Phillip Conrad Acop, at Antipolo City Health Officer Dra. Concepcion Lat kung saan nagbigay ang bawat isang makabuluhang mensahe para sa mga dumalo.

WorldAidsDayCelebration

Nagkaroon din ng libreng Human Immunodeficiency Virus (HIV) screening para sa mga dumalo. Matapos nito ay nagpalipad ng mahigit isandaang puti at pulang lobo bilang simbolo ng kanilang pagsuporta sa kampanya ng pamahalaang lungsod na free HIV testing upang makontrol ang pagkalat ng sakit na AIDs at maiwasan ang paghawa nito sa iba.