GINANAP ang Antipolo City Reading Summit na may temang “Building Better Readers”, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang City Planning and Development Office (CPDO) noong Hunyo 9, 2017 sa Hinulugang Taktak Hall kung saan pinag-usapan ang “State of the Reading Address” o estado ng kakayahang magbasa ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondaryang paaralan sa lungsod. Halos 100 ang nakiisa sa naturang programa na may layuning alamin ang mga sanhi ng problema ng mga estudyanteng hirap bumasa at ng makabuo nang mga posibleng aksyon upang maresolba ang mga ito.

Ayon kay Mayor Ynares, naniniwala siyang ang edukasyon ang tanging kayamanan na maiiwan nang mga magulang sa kanilang mga anak. Aniya, ang pagbabasa ay isa sa mga pinakaunang dapat matutunan ng isang bata kaya naman hinihiling niya ang gabay at suporta ng mga magulang. Dagdag pa niya, gaano man kagaling ang isang tao, kinakailangan pa rin nitong mag-aral at pagyamanin ang kaniyang kaalaman.

Kasama ang Department of Education (DepEd), Synergeia Foundation, mga barangay, General Parents-Teachers Association (GPTA) officers, mga mag-aaral at non-governmental organization (NGOs) sa mga nakiisa sa reading summit.

Samantala, nagkaroon ng workshop na pinangunahan ni former Bulacan Governor Maria Josefina “Josie” dela Cruz at Dr. Nene Guevara, President and CEO ng Synergeia Foundation, kung saan pinag-usapan ang mga dahilan kung bakit hindi makapagbasa ng mabuti ang mga bata; kung paano matutulungan ang mga mag-aaral na makabasa ng mahusay; kung ano ang maitutulong ng guro, magulang at mag-aaral upang maresolba ang problema; at kung ano ang sukat ng tagumpay nito.

Isa ang edukasyon sa prayoridad ng pamahalaang lokal kung saan noong Mayo, nagsagawa ng Balik-Eskwela Program sa lahat ng pampublikong eskwelahan upang mamahagi ng bag, notebook at dalawang pares ng uniporme sa halos 200,000 mag-aaral.