SINIMULAN na ang pagsugpo ng kahirapan at pagpapaganda sa kalidad ng buhay ng mga katutubo sa malalayong lugar sa lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa isinagawang Convergence Building Zero Extreme Poverty PH 2030 seminar noong Hunyo 16, 2017 sa Antipolo City Hall.

Nakatuon ang programa sa mga komunidad ng Dumagat-Remontado sa Canumay, Libis, at Tayabasan na malaki ang kakulangan sa edukasyon, kabuhayan, kagamitan, kalusugan, at turismo.

Ayon kay Mayor Ynares, dapat lahat ay sama-sama sa pag-unlad ng isang pamayanan at siyudad. Ang pantay-pantay na paglago ng mga pook o lugar ay nagpapakita ng pagkakaisa at pagbibigay ng importansiya sa bawat isa. Dagdad pa niya, ipinahihiwatig nito na malaki man o maliit ang isang bagay ay may maibibigay na kontribyusyon sa lungsod. Dahil dito, sisiguraduhin ng pamahalaang lokal na ang bawat lugar sa lungsod ay masagana at may maayos na pamayanan, habang pinapanatili pa rin ang kultura at tradisyon ng mga katutubo.      

Kaagapay ang Smart Telecommunications, Center for Conservation Innovations (CCI), Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Tropical Forest Conservation Foundation Inc., Peace and Equity Foundation, City Planning and Development Office, City Social Welfare and Development Office at City Tourism Office, tinalakay sa nasabing programa ang mga ilalatag na plano para mapaunlad ang mga malalayong lugar at pook na nasasakupan ng mga katutubong Dumagat at iba pa sa Antipolo na nangangailangan ng serbisyong medikal, edukasyon, pangkabuhayan, at iba pa upang masugpo ang kahirapan.

Sa kasalukuyan, sinisimulan na ang paglikha at pagsusulong ng mga programa katulad ng supplemental feeding, livelihood, at Alternative Learning System (ALS) na makakatulong sa mga nasabing komunidad alinsunod sa ginawang Action Plan na sinimulan na noong Marso 2017.