APRUBADO na ng Commision on Higher Education (CHED) ang pangalawang University of Rizal System (URS)-Antipolo Campus na itatayo sa Barangay Inarawan at Barangay San Jose. Sa naganap na pagpupulong ng URS Board of Regents sa tanggapan ng CHED noong Marso 17, matagumpay na inilatag ni City Mayor Jun Ynares ang kaniyang adbokasiya na ilapit sa mga mamamayan ng Antipolo ang abot-kamay at dekalidad na edukasyon.

“Hangad po natin ang magandang kinabukasan ng lahat ng kabataan sa Antipolo kaya’t ginagawa po natin ang lahat, sa abot ng aking makakaya, na hindi na sila mapagkaitan ng edukasyon na kanilang maipagmamalaki. Dito po sa Antipolo, hindi na po dahilan ang kahirapan upang hindi makapag-aral ang mga kabataan. Lahat po ng mga bata dito ay may karapatan nang matuto at makapagtapos ng kanilang pag-aaral,” sabi ni Mayor Ynares.

Pinamunuan nina Chairman  Alex Brillantes ng UP Diliman at Vice Chairman Marita Canapi ng URS ang nasabing pagpupulong kasama ang mga miyembro nitong sina Cong. Roman Romulo ng Pasig City, Senador Pia Cayetano, NEDA Region IV-A OIC Luis Banua at DOST Region IV-A Director Alexander Madrigal.

Patuloy ang pag-angat ng edukasyon sa Antipolo simula nang ilunsad ni Mayor Ynares ang mga programang nagbigay sa lungsod ng AiTECH (ang pamantasan ng lungsod), Antipolo Science High School, Computer Mobile Bus, scholarship grants na umabot sa halos 100 milyong piso kada taon, karagadagang school buildings at taun-taong pamimigay ng libreng mga uniporme at school supplies sa lahat ng estudyante ng pampublikong paaralan. Nakatakda ring magtayo ng Philippine Science Centrum sa Barangay San Jose. (Antipolo PIO)