NAGTANIM ng 1,200 punong-kahoy ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, kasama sina Senador Cynthia Villar at Rotary International District Governor Edwin Afzelius sa isinagawang tree planting activity sa Government Center (GC) Eco Park, Brgy. San Jose noong Hulyo 30, 2017. Mahigit 1,300 ang nakiisa sa naturang programa na may temang “Make a Difference on Earth: Plant a Tree Project” na layunin na gawin muling luntian ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno.

RotaryTreePlanting3

Ayon kay Mayor Ynares, katuwang ang YES Program ng Rizal Provincial Government, isa sa pinakamalakas na programa ng pamahalaang lokal ang mga ordinansang layon ang pangalagaan ang kalikasan ng lungsod kaya naman tinagurian itong “Cleanest City” sa buong bansa ayon sa DILG. Dagdag pa niya, dahil dito napapanatili ng siyudad ang natural nitong kagandahan kaya naman nakapag-uuwi ang lungsod ng iba’t ibang parangal. Aniya, ang magandang lokasyon at mga programa sa Antipolo, gayundin ang natatangi nitong likas-yaman ang kabilang sa mga nakakahimok na dahilan kung bakit ang siyudad ang pinakamagandang lugar na pagtayuan ng punong-tanggapan ng Senado ng Pilipinas.

RotaryTreePlanting1  

Naibahagi sa programa ni Senador Villar ang tungkol sa pagpapaigting ng mga batas pangkalikasan upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng ating kapaligiran.

Nagtulong-tulong ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), Rotary Club International, UP Los Baños-College of Forestry and Natural Resources, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Wood Producers Association sa pagtatanim ng punong-kahoy sa Antipolo Institute of Technology (AiTech) na bahagi ng GC Eco Park. Kabilang sa kanilang mga naitanim ang Narra, Dao, Igyo, Molave, Bitaog, Kalumpit, at Kamagong.

RotaryTreePlanting2

Nakiisa rin sa okasyon sina Antipolo Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan, Kon. Ronald Barcena, Rotary International Governor Angelito Colona, at Punong Barangay Felicito “Ito” Garcia, Miss Earth-Air Michelle Rodriguez at Miss Philippines Fire Nellza Bautista gayundin ang iba pang opisyales at miyembro ng Rotary Club International.