MASAYANG nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares sa pagdiriwang ng DepEd-Antipolo ng World Teachers’ Day at National Teachers’ Month na dinaluhan ng halos 5,000 na mga guro sa Ynares Center noong Oktubre 4, 2017. Layunin ng naturang programa na may temang “Gurong Pilipino: Kaakbay sa Progreso” na bigyang pagpupugay ang kontribusyon ng mga guro sa pagbibigay ng mataas na edukasyon sa mga kabataang Pilipino.

Binati at pinasalamatan ni Mayor Ynares ang mga guro sa patuloy na paggabay nila sa mga estudyante. Aniya, hindi lamang kaalaman ang itinuturo nila kundi malaking papel din ang kanilang ginagampanan sa paghubog ng karakter at pagkatao ng mga mag-aaral gaya na lamang ng pakikinig ng maayos, pagkakawang-gawa o pagboboluntaryo at kahalagahan ng oras. Hangad niya na patuloy silang magsilbing mabuting ehemplo sa mga kabataan.

Nagdaos ng Thanksgiving Mass ang mga guro sa Antipolo Cathedral na sinundan ng parada mula Sumulong Park patungong Ynares Center. Nagkaroon din ng samu’t saring aktibidad gaya ng Inter-District Folk Dance Competition, Talentadong Guro, Palarong Pinoy, Mass Blood Donation at Raffle Draw na mas lalong nagpasaya sa programa.

Kasama ring dumalo sa selebrasyon sina Governor Rebecca “Nini” Ynares, 1st District Congresswoman Chiqui-Roa Puno, Vice-Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan, Kon. Ronald Barcena, Kon. Paui Tapales, Kon. Bong Acop at DepEd-Schools Division Superintendent Dr. Rommel C. Bautista.

Nakisaya rin sa pagdiriwang ang GMA 7 TV actor na si Ken Chan na matatandaang bumida sa teleseryeng “Destiny Rose” at “Meant To Be.” Hinarana niya ang mga guro sa kaniyang handog na awiting “Dahil Ikaw.”