MALUGOD na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, si Mayor Roderick Larita ng Munisipalidad ng Patnanungan, Quezon nang mapili nito na gawing LGU model ang lungsod ng Antipolo sa isinagawa nilang “Lakbay-Aral” noong Setyembre 27, 2017. Kasama ang iba pang 49 na delegado, pinag-aralan ng mga taga-Patnanungan ang “best practices” ng Antipolo pagdating sa wastong pamamahala ng mga basura katulad na lamang ng segregation, recycling at composting gamit ang mga Materials Recovery Facility (MRF) at Waste Transfer Station ng lungsod.

BestPractices Patnanungan1

 

“Kami po ay natutuwa sa patuloy na pagdami ng mga karatig bayang nais bumisita sa lungsod upang matutunan at masaksihan ang mga resulta ng mga makakalikasang programang maigting na ipinatutupad sa aming pamayanan. Kami po dito sa Antipolo ay handang makipagtulungan sa lahat ng gustong maisabuhay ang tamang pamamaraan sa pamamahala ng basura. Sama-sama po nating isulong ang malinis na kapaligiran at maunlad na komunidad,” sabi ni Mayor Ynares.

BestPractices Patnanungan2

Sa pangangasiwa ng City Environment and Waste Management Office (CEWMO), binisita ng grupo ang mga malalagong gulayan at MRF sa mga barangay at paaralan gayundin ang Waste Transfer Station na matatagpuan sa Brgy. San Luis. Kaugnay nito, ibinahagi rin sa mga delegado ang tamang pag-iimbak ng mga basurang toxic at hazardous sa mga MRF.

BestPractices Patnanungan3

Ginawaran ang lungsod ng Antipolo noong 2016 ng Environmental Compliance Audit Platinum Award at Manila Bayani Award bunsod ng maigting na implementasyon sa siyudad ng mga batas at ordinansang pangkalikasan.