IBINAHAGI ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, kaakibat ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Agbiag Partylist, ang tulong pinansyal sa 107 benepisyaryong Antipolenyo sa ginanap na payout ng programang “Tulong Pangkabuhayan Para sa ating mga Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD)” noong Enero 23, 2018 sa Antipolo City Hall.

 

“Kami po sa pamahalaang lungsod ay handang makipagtulungan sa pamahalaang nasyunal upang makapagbigay ng mas malaki at karagdagang oportunidad sa mga kapus-palad na pamilya. Nawa’y maging daan po ang programang ito para maihanda sila sa anumang trabahong kanilang nais na pasukan,” sabi ni Mayor Ynares.

Sa pangunguna ng City Human Resource and Management Office (CHRMO), tinatayang 1 milyong piso ang ginamit sa programang target na mabigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay ang mga mamamayan na nawalan ng trabaho o yung mga taong hindi sapat ang kinikita. Nagmula sa 16 na barangay ang mga benepisyaryo na nagtrabaho bilang mga street sweeper.

Magagamit ang karagdagang kita para sa kanilang mga pang-araw-araw na gastusin, pangpaaral sa kanilang anak, gayundin para sa kanilang mga pangmedikal na pangangailangan.

Bahagi ang TUPAD ng Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) ng DOLE na naglalayong magbigay ng short-term employment para sa mga mamamayang hindi nakagpagtapos ng pag-aaral o mga taong walang permanenteng pinapasukang trabaho.