NAGMISTULANG magnet ang mga programang naisakatuparan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Antipolo City Gov’t para sa Lakbay-Aral ng Pamahalaang Lungsod ng Lipa, Batangas na ginanap sa Antipolo City Hall noong Marso 2, 2018. Humanga ang 33 delegado ng Lipa sa mga inobasyon ng BPLO-Antipolo sa pagproseso ng mga business permit at pagkolekta ng buwis gamit ang 3-Steps Business One-Stop Shop (BOSS).

Sinabi ni Antipolo Mayor Jun Ynares na patunay ang tuloy-tuloy na pagbisita sa Antipolo ng mga karatig bayan nito sa matagumpay na pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaang lungsod. Aniya, ang positibong bagay at gawi na ito ay hindi lamang nararamdaman ng mga Antipolenyo, kundi umaabot pa sa iba’t ibang bayan at lugar.

CGA LakbayAral Lipa1

Ibinahagi ng pamahalaang lokal sa mga delegado, sa pangunguna ng kanilang City Permit and Licensing Office (CPLO) Department Head na si Divina Simangan, ang kagandahan ng pagpapadali at pagpapaikli sa proseso ng pagkuha ng business permit. Gamit ang BOSS-Antipolo, umangat ang nagparehistrong negosyo sa lungsod mula 9, 234 noong nakaraang taon sa 9, 962 ngayong 2018. Mayroon ding 18% na pagtaas sa tax revenue na may kabuuang kita na 300 milyong piso.

CGA LakbayAral Lipa2

Ito ang ikatlong Lakbay-Aral na naganap ngayong taon kung saan bumisita na rin ang mga lokal na pamahalaan ng Camarines Sur at Nagcarlan, Laguna para pag-aralan ang best practices ng lungsod pagdating sa Public Market Management at Tourism Enhancement.