NAGING isang mahalaga at natatanging araw para sa 27 na magkasintahan ang petsang Marso 10, 2018 dahil sa kanilang pagiisang-dibdib sa isinagawang libreng Kasalang Bayan at Antipolo Wedding Fair sa Robinson’s Place Antipolo. Sa tulong ng City Tourism Office at City Civil Registry, nabiyayaan ng pamahalaang lungsod ang mga magsing-irog ng isang engrandeng kasal at salu-salo.

CGA WeddingFair1

“Nagagalak po ako dahil mistulang naging isang regalo sa aking kaarawan ang desisyon ng mga magkasintahang piniling gawin legal ang kanilang pagmamahalan. Nawa’y gabayan kayo ng Panginoon sa inyong magandang simula na ito upang patuloy na magbunga ang wagas na pag-ibig ninyo sa isa’t isa,” masayang pagbati ni Mayor Jun Ynares.

CGA WeddingFair2

Kabilang ang nasabing programa sa pagdiriwang ng kaarawan ni Mayor Ynares noong Marso 4. Laking pasasalamat naman ng mga ikinasal sa pamahalaang lokal at Robinson’s Place Antipolo dahil natupad na rin ang kanilang “dream wedding.”

CGA WeddingFair3

Naging tampok sa wedding fair ang iba’t ibang booth na nagbibigay ng wedding services mula sa wedding gowns, souvenirs, reception area at catering services. Mapalad naman ang mga nakiisa sa wedding fair dahil sa mga discounts at promos na ibinigay nito sa mga nagbabalak magpakasal. Ito na ang ikalawang Antipolo Wedding Fair kung saan isinagawa ang unang fair noong nakaraang taon sa parehong petsa.