KINILALA at pinarangalan ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang mga mag-aaral at guro mula sa 65 na pampublikong paaralan sa elementary at senior high school na nagpakita ng katatagan at pagsisikap na labanan ang kahirapan ng buhay sa pamamagitan ng edukasyon. Umabot sa 10.2 milyong piso ang naibahagi ng pamalaang lungsod para sa mga awardee ng “Natatanging Mag-Aaral,” “Numero Unong Guro,” at mga honor students. Ito na ang ikatlong taong tumatakbo ang programa.

CGA P10.2M Incentives 1

“Dapat lamang po na ating kilalanin, parangalan at pasalamatan ang mga guro at mag-aaral na nagpakita ng angking talino, katatagan, pagsisikap at pagpupunyagi upang labanan ang kahirapan ng buhay sa paniniwalang ang edukasyon ang tanging daan upang makaahon sa kahirapan at magkaroon ng magandang kinabukasan. Nawa’y maging silbing inspirasyon ito sa iba pa nating mga guro at iba pang mga kabataan na nais magkapagtapos ng pag-aaral,” sabi ni Mayor Ynares.

Nagbigay ang pamahalaang lokal ng P60,000 scholarship grant sa elementarya at P160,000 scholarship grant naman sa high school. Magagamit ng 61 na natatanging mag-aaral ang tulong pinansyal sa pagtatapos ng high school at kolehiyo.

CGA P10.2M Incentives 4

Binigyan halaga din ang mga sakripisyo at angking galing ng mga napiling 57 na “Numero Unong Guro” sa pamamagitan ng pagbibigay ng plake, sertipiko, P5,000 cash incentive at scholarship grant na nagkakahalaga ng P80,000 na magagamit nila kapag sila ay kumuha ng Masterals. Naging labis din ang kanilang kasiyahan nang tumanggap sila ng bagong laptop computer upang magamit nila sa kanilang pagtuturo at pag-aaral.

Hindi rin nakalimutang biyayaan ng gantimpala ang mga nagsipagtapos na may mga karangalang banggit. Tumanggap ang bawat isa ng cash gift mula P1,000 hanggang P3,000.