TINUTUKAN ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang ilang problemang kinakaharap ng mga kabataang tinaguriang Generation Z na may edad 12 hanggang 22 taong gulang sa ginanap na “Kabataan Kabalikat sa Kalusugan Youth Summit” noong Hulyo 7, 2018 sa Antipolo Sports Educational Hub.

Ito ang kauna-unahang youth summit na isinagawa ng pamahalaang lokal na nakatutok sa kalusugan at kamalayan ng mga kabataan. Sa pangunguna ng City Health Office (CHO), sumailalim ang halos 500 kabataan mula sa 16 na barangay sa mga lecture patungkol sa masamang epekto ng paninigarilyo, paggamit ng iligal na droga, teenage pregnancy, HIV/AIDS at kahalagahan ng mental health katulad na lamang ng paglaban sa depression.

Sinabi ni City Mayor Jun Ynares sa harap ng mga kabataang dumalo na mas malaki ang kinakaharap na suliranin ng Generation Z kaysa sa mga nakaraang henerasyon. Aniya, nakadagdag ang internet at social media para sila ay maging biktima ng pang-aabuso at maling pag-impluwensya. Target aniya ng pamahalaang lokal na palawakin ang kanilang pang-unawa at siguraduhing sila ay maging mas matalino at mapanuri sa kanilang mga desisyon sa buhay.

CHO 1stYouthHealthSummit1

Nakiisa at nagbigay din ng makabuluhang mensahe sa summit sina City Health Officer Dr. Concepcion Lat, Department of Health (DOH) CALABARZON Adolescent Coordinator Dr. Edna Defante at Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Peter Papel Jr.

CHO 1stYouthHealthSummit2

Hinati sa walong grupo ang mga participants na sumailalim sa mga lecture. Bukod dito, nagpasaya rin ang dance performance ng mga kawani ng pamahalaang lokal at mga kabataan mula sa Barangay Bagong Nayon. Nag-uwi rin ng iba’t ibang papremyo ang mga dumalo mula sa mga palaro.