NAGSANIB-PWERSA ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa ginanap na 2-Day Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Person Seminar noong Hulyo 19-20, 2018 sa Antipolo City Hall. Sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO), halos 50 kawani ng pamahalaan, pulisya, barangay, mga guro, at miyembro ng local migration committee ang dumalo sa naturang programa.

“Dahil po sa pagdami ng mga recruitment agency na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa ay mas maraming tao po ang nagiging biktima ng mga illegal recruiter. Bilang tugon, kami po sa pamahalaang lokal ay nakikipagtulungan sa POEA at iba pang ahensya para masigurado ang kaligtasan ng mga mamamayan,” sabi Mayor Jun Ynares.

Tampok sa programa ang paglagda sa Memorandum of Agreement patungkol sa “Convergence on Illegal Recruitment – Free Local Government Units Campaign” sa pagitan ng Antipolo, POEA, Department of Labor and Employment (DOLE) Region IV-A, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Technical Education Skills Development Authority (TESDA). Layunin ng MOA ang paggamit sa mga LGUs at mga barangay bilang kasangga ng pamahalaang nasyunal sa kampanya laban sa illegal recruitment at human trafficking.

Kabilang sa mga tinalakay sa seminar ang mga batas patungkol sa recruitment, mga karapatan ng manggagawa, at mga kalimitang modus operandi ng mga illegal recruiter.