MALIGAYANG sinalubong ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang Kapaskuhan sa ginanap na Disney-inspired 6th Christmas Tree Lighting Ceremony noong Nobyembre 8, 2018 sa Sumulong Park.

Daan-daang Antipolenyo ang dumagsa sa kinasasabikang pagpapailaw ng engrandeng 30 ft. Christmas tree at sa makulay na grand fireworks display. Gawa mula sa libu-libong plastic cups, PET bottles, at karton ang higanteng Christmas tree gayundin ang mga naggagandahang dekorasyon nito.

“Higit pa po sa pakikibahagi natin sa YES to Green ng Rizal Provincial Government kung bakit natin ipinagpapatuloy ang tradisyong ito taun-taon. Kami po sa pamahalaang lungsod ay naniniwala na isang magandang simbolo at paalaala ang higanteng recycled Christmas tree na hindi ninyo kailangan ng yaman para maging maligaya sa pasko. Magkakasama po nating ipagdiwang ang isang masaya, mapayapa, at malinis na Kapaskuhan,” pahayag ni Mayor Jun Ynares.

Nakiisa at nagbigay ng mensahe sa programa tungkol sa layunin ng YES to Green Program si Rizal Governor Rebecca “Nini” Ynares. Dumalo rin sa tree lighting activity ang mga kawani ng pamahalaang lungsod at Rizal Provincial Gov’t.

Isa lamang ito sa mga programa ng lungsod na nagdala ng parangal na Environmental Compliance Audit (ECA) Platinum Award 2017 mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Kabilang dito ang pagpapatupad ng Basura Code, tree planting activities, Linis Creek Program, at paglalagay ng mga trash gate at trash trap sa mga daluyan ng tubig.