Latest News

MAPAYAPANG ipinagdiwang ng milyun-milyong katao ang Semana Santa sa Antipolo kung saan dinayo ang lungsod ng mga namamanata upang ipakita ang kanilang debosyon at nakiisa sa ginanap na Alay Lakad 2016 noong Marso 24, 2016.

Kinikilala at pinarangalan ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, ang mga mag-aaral at guro mula sa 66 na pampublikong paaralan sa elementary at high school na nagpakita ng katatagan at pagsisikap na labanan ang kahirapan ng buhay sa pamamagitan ng edukasyon. Umabot sa 9.1  milyong piso ang naibahagi ng pamalaang lungsod sa mga awardee ng “Natatanging Mag-Aaral,” “Numero Unong Guro,” at mga honor students.

MAGARBO at makulay na ipinagdiwang ng Antipolo ang ika-18 taong anibersaryo ng pagiging lungsod nito noong Abril 2, 2016 kung saan tampok ang mahuhusay na drum & lyres at naglalakihan at kamang-manghang SuMaKaH (Suman, Mangga, Kasoy at Hamakah) floats ng 16 na barangay. Nagparada ang mga ito mula sa Ynares Center, umikot sa quatro cantos ng Poblacion at nagtapos sa Sumulong Park na sinundan naman ng isang maiksing programa.

Muling nagbigay tulong ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa halos 2,000 residente  ng 16 barangay noong Marso 10, 2016 sa Ynares Center.

NAKATULONG ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa halos 2,000 residente  na naghahanap ng trabaho sa paglulunsad ng 2016 Mega Job Fair noong Marso 20, 2016 na ginanap sa Ynares Center. Nakiisa dito ang 92 na kumpanya at recruitment agencies katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE).

MAGALANG na tinanggap sa kanilang tahanan ni Unang Ginang Andrea “Andeng Ynares”, maybahay ni Mayor Jun Ynares, ang Mahal ng Ina, Nuestra Señora dela Anunciata, sa prusisyon mula Rosario Sports Complex, Brgy. Rosario hanggang sa Brgy. Beverly Hills noong ika-18 ng Marso. Ang combida ay taunang tradisyon ng Kapisanan ng Nuestra Señora Dela Anunciata sa panahon ng Piging at Pananalangin. 

BINUHAY ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa ala-ala ng halos 300 Antipoleño ang kasaysayan ng pakikipaglaban ng mga Pilipino laban sa mga Hapon para sa kalayaan ng bansa sa ginanap na libreng film showing tungkol sa “Unsurrendered 2: The Hunters ROTC Guerillas” sa Robinson’s Cinema, Robinson’s Place Antipolo noong Marso 21, 2016 bilang paggunita sa ika-71 anibersaryo ng Liberation Day ng Antipolo.

GINARANTISADO ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo na tuloy-tuloy ang pagtanggap ng mga senior citizen ng kanilang quarterly pension sa tamang oras. Sa pangangasiwa ng City Social Welfare and Development Office (CSWD), tumanggap ng kanilang quarterly pension ang  halos 100 na mga senior citizen noong March 18, 2016 na ginanap sa Antipolo City Hall. Mayroong kabuuang P200,000 na pensyon kada taon ang naibabahagi sa mga senior citizen.

Nakiisa ang maybahay ni Antipolo City Mayor Jun Ynares na si Andrea “Andeng” Ynares (gitna) sa pagsulong sa kapakanan ng  mga Juana sa lipunan sa idinaos na 2016 Women’s Congress, bilang pagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng National Women’s Month, nitong Marso na ginanap sa Multi-Purpose Hall ng Victory Park and Shop. Kasama rin sa selebrasyon na may temang “Kapakanan ni Juana, Isama sa Agenda!” ang ibang kawani ng lungsod, mga babaeng kapulisan  at iba’t ibang samahan ng mga kababaihan.

Tinanggap ni City Mayor Jun Ynares mula sa Philippines Women Judges Association (PWJA) ang estatwa ng Hustisya bilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap sa daang-daang judges mula Luzon, Visayas, Mindanao na bumisita sa Lungsod at pumasyal sa magagandang tanawin ng Antipolo noong Marso 11, 2016 bilang bahagi ng kanilang “21st Annual Convention Seminar.”