Latest News

UMABOT sa 60 siklista ang nakipadyak sa “Car-Free Day Philippines: Bike to Work, Bike to School 2016” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo at ng Bicycle Friendly Philippines (BFP) noong Setyembre 23, 2016 bilang pagdiriwang ng World Carfree Day. Nagtipon-tipon sa Robinsons Place Antipolo ang mga siklista at nagbisekleta papuntang Antipolo City Hall upang iparating sa mga mamamayan na suportahan ang hindi paggamit ng sasakyan ng isang buong araw.

ARESTADO ang apat na kalalakihan na nagsasabong sa Purok 1, Zone 8, Brgy. Cupang sa Special Operation na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Setyembre 11, 2016. Pinangunahan ng opisina ng City Peace and Order Concerns (CPOC) ang operation kung saan huli sa akto ang apat na tumataya sa tupada.

NAKIPAGPULONG ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa mga miyembro ng business sector tungkol sa mahigpit na pagpapatupad ng paglalagay ng Material Recovery Facilities (MRFs) sa mga business establishment sa lungsod sa isinagawang Coordination Meeting ng City Environment and Waste Management Office (CEWMO) sa Hinulugang Taktak Hall, Antipolo City Hall noong Setyembre 13, 2016.

MATAGUMPAY na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, ang 4th Antipolo Tourism Fair na may temang “A Journey to the City on the Mountain” noong Setyembre 22-25, 2016 sa Robinsons Place Antipolo. Katuwang ang Department of Tourism (DOT)-Region 4A, Technical Education Skills Development Authority (TESDA)-Rizal, Antipolo City Culture, Arts, and Tourism Promotions Office (AnCCATPO), at Antipolo City Culture, Arts, and Tourism Council (ACT-C), naisakatuparan ang programa na may layong mapag-isa ang mga tourism stakeholders, nasyunal at lokal na ahensya, akademikong institusyon, at ang buong komunidad sa pag-unlad ng turismo.

HINUHUBOG ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, ang mga kabataan ng lungsod na maging isang “kabataang pag-asa ng bayan” sa pamamagitan ng mga programang mag-aangat ng kanilang kaalaman at magmumulat sa mga isyu at problemang kinakaharap ng mga kabataan gaya ng HIV/AIDS, teenage pregnancy, drug abuse, bullying, at human trafficking. Kaugnay ito sa isinagawang “meet and greet” ng mga miyembro ng Pag-asa Youth Association (PYA) na ginanap sa covered court ng Robinsons Homes East noong Setyembre 18, 2016. Umabot na sa halos 2,000 ang miyembro ng PYA simula 2013 hanggang sa kasalukuyan.

NANGUNA sa Clean-up Campaign  ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Setyembre 16, 2016 kung saan nilinis at winalis nila ang kalat sa mga kalye sa Poblacion area. Pinangasiwaan ng City Human Resource and Management Office (CHRMO) at ng General Services Office (GSO) ang naturang programa na bahagi ng pagdiriwang ng Civil Service Month na may temang “Sigaw ng Lingkod Bayani: Malasakit para sa Taumbayan, Kapwa Kawani at Kalikasan.”

AKTIBO sa pagpapakalat ng kaalaman sa rabies ang Pamahalaang lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at Bureau of Animal Industry, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “Advocacy Program on Rabies Prevention and Control” sa lahat ng pampubliko at pribadong elementarya at high school sa lungsod simula noong Agosto 16. Pinangangasiwaan ng City Veterinary Office ang naturang programa na bahagi ng pagdiriwang ng World’s Rabies Day at World’s Animal Day na may layuning bigyan ng karagdagang kaalaman ang bawat isa tungkol sa rabies at isulong ang responsableng pag-aalaga ng hayop.

Nagbigay ng seminar at mga binhi ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa San Joseph Elementary School, Barangay San Jose kaugnay sa “Gulayan sa Paaralan Project” ng Department of Education. Humingi ng tulong ang nasabing paaralan sa pamahalaang lokal na agad namang inaksyonan ng City Agriculture Office (CAO) sa ilalim ng direktiba ni Mayor Jun Ynares.

Si Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan, kasama ang ibang konsehal, habang tinatanggap ang Plaque of Recognition, mula sa Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) Regional Office –CaLaBaRZon, na iniaabot ni C/INSP Noel Corpuz, Jail Warden ng BJMP- Antipolo, dahil sa suporta at tulong na ibinibigay ni Antipolo City Mayor Jun Ynares sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga kulungan at pangangalaga sa kalusugan ng mga “inmates,” sa ginanap na Monday Flag Raising noong Setyembre 26, 2016. 

Libreng check-up at bunot ng ngipin para sa mga mamamayan ng Antipolo ang handog ng Pamahalaang Lungsod, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa inilunsad na Antipolo Dental Health Bus noong Setyembre 26, 2016 sa Monday Flag Raising. Umiikot ang dental health bus sa mga eskwelahan at barangay sa pangangasiwa ng City Health Office.