Latest News

Naglalakihang abs at biceps ang ibinida ng 65 na kalalakihang lumahok sa Mr. Antipolo 2nd Open Invitational Bodybuilding Classic na pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, katuwang ang Antipolo City Culture Arts and Tourism Promotions Office (AnCCATPO) at Retorbar Fitness Gym, noong Mayo 29, 2016 sa CMA Parking Area. Layunin ng kumpetisyon na maitaguyod ang pagkakaroon ng healthy lifestyle at disiplina sa sarili sa pamamagitan ng pag-iwas sa masasamang bisyo at pag-eehersisyo.

Mahigit 300 delegado buhat sa iba’t ibang lalawigan sa CaLaBaRZon ang dumalo sa isinagawang Regional Brigada Eskwela ’16 kick-off ceremony ng Department of Education (DepEd) sa lungsod ng Antipolo noong Mayo 30, 2016. Ginanap sa San Jose National High School ang seremonya na may temang “Tayo Para sa Paaralang Ligtas, Maayos, at Handa Mula Kindergarten Hanggang Senior High School” kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo. Layunin nitong maihanda hindi lang ang mga paaralan sa pagbabalik ng mga estudyante kundi maihanda rin ang buong implementasyon ng K to 12 program ng gobyerno.

Rumampa ang iba’t ibang breed ng aso suot ang kanilang recycled SuMaKaH inspired costume kasama ang kanilang mga amo sa “3rd Dog Show and Fun Match” na handog ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo na ginanap sa Antipolo City Hall Parking Area noong Mayo 28, 2016. Layunin ng programa na isulong ang responsableng pangangalaga ng mga hayop at ang pagiging rabies-free ng lungsod.

Pinarangalan ang mga manlalarong nakiisa sa kauna-unahang Mayor Jun Ynares Softball Tournament ng  Pamahalaang Lungsod ng Antipolo noong Mayo 2, 2016 sa Monday Flag Ceremony sa Sumulong Park. 

Pinagkaguluhan ang mga naggagandahang dilag na bumida sa Grand Sagala 2016 ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo noong Mayo 22, 2016 kung saan sinimulan ang parada sa Ynares Center at nagtapos sa Sumulong Park.

Walang kupas pa rin ang pagdiriwang ng Flores De Mayo na nagbigay aliw at kasiyahan sa mga tao dahil sa mga kumikinang at naggagandahang mga kasuotan ng mga reyna sa Santacruzan.

NAGKAISA ang daan-daang Antipoleño sa muling pagdaraos ng AIDS Hour sa lungsod sa pangunguna ng pamahalaang lokal na ginanap sa Sumulong Park noong Mayo 13, 2016. Naging tampok sa pagdiriwang ang “Candle Lighting” na sumisimbolo ng pagsuporta para sa lahat ng may sakit na Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) at Human Immunodeficiency Virus (HIV) kasabay na rin ang paggunita sa mga yumao dahil sa sakit na ito.

NAGING maaksyon ang kauna-unahang Mayor Jun Ynares Kyokushin Kai-Kan Cup Full Contact Karate Championship hatid ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo na ginanap sa Sumulong Park noong Mayo 14, 2016. Dinaluhan ng mga Kyokushin practitioners mula sa iba’t ibang bansa ang paligsahan na may layong maipakilala at maipalaganap sa buong bansa ang  Kyokushin, isang uri ng karate.

IDINAOS ang 3-day Seminar on Basic Accounting for Non-Accountants sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, katuwang ang City Cooperative and Livelihood Office (CCLO), noong Mayo 24-26, 2016 na ginanap sa  Hinulugang Taktak Hall, Antipolo City Hall. Dinaluhan ng 27 kooperatiba ang seminar na may pangunahing layunin na maituro ang konsepto at proseso ng accounting sa mas simple at praktikal na pamamaraan. 

Katakam-takam ang ginanap na Innovated Suman sa Ibos Cooking Demo kasabay ang Fastest Magtatali ng Suman na handog ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo bilang bahagi ng Maytime Festival na ginanap sa Vista Mall noong Mayo 14, 2016. Layon ng programa na dagdagan ang kaalaman ng lahat sa suman na isa sa mga pangunahing produkto ng lungsod.

Pinatunayan ng 20 kandidata na wala sa kasarian ang tunay na kagandahan sa ginanap na Coronation Night ng Queen of Antipolo, isang programa mula sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo na ginanap noong Mayo 14 sa City Market of Antipolo (CMA) Parking Area.