Latest News

MAKIBAHAGI at makisaya sa mga nakapilang aktibidad at programa ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa paglulunsad ng 4th Antipolo City Tourism Fair na gaganapin sa Robinsons Place Antipolo, Setyembre 22-25, 2016. Kaugnay ng temang “A Journey on the City of the Mountain,” samu’t saring seminars, cultural shows, art displays, patimpalak, at tugtugan ang kaaabangan ng mga mamamayan. Layunin nitong mapalakas at mapa-unlad pa ang turismo ng lungsod sa paraang naipapakita ang sining at kultura nito.

DINALUHAN ng mahigit 80 na Barangay Health Workers (BHW) ang isinagawang “Philhealth BHW Forum” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo na ginanap sa Antipolo City Hall noong Setyembre 9, 2016. Pinangasiwaan ng City Health Office (CHO) ang forum na may layong bigyan ng karagdagang kaalaman ang mga BHW na tumatayo rin bilang mga PhilHealth advocates ng lungsod.

MULING tatanggap ng P400,000 na scholarship grant ang 40 Iskolar ng Antipolo (INA) mula sa Pamahalaang Lungsod sa pakikipag-ugnayan sa Eastern Gate Garments na dati na ring nag-donate ng parehong halaga noong nakaraang taon. Ang mga iskolar ng lungsod na nagtapos ng may karangalan sa high school at nasa kolehiyo na ngayon ang nakatakdang tumanggap ng scholarship grant. Ipinaabot ng Eastern Gate Garments ang donation sa ginanap na turn-over ceremony noong Setyembre 5, 2016 sa Flag Raising Program ng city government.

MAHIGIT sa 100 ang nadagdag sa humahabang listahan ng mga sumukong drug users at pushers sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo kung saan umabot na sa halos 1,200 ang kabuuang bilang simula Hulyo 2016 hanggang sa kasalukuyan. Kaugnay pa rin ito sa isinasagawang OPLAN Tokhang sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP)-Antipolo.

NAKIISA ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa pagdiriwang ng pagkakatalaga ni Bishop Francis Mendoza De Leon bilang ika-4 na Obispo ng Diyosesis ng Antipolo sa ginanap na “Liturgical Reception and Canonical Possession” noong Setyembre 10, 2016 sa Antipolo Cathedral. Napuno ang katedral ng mga kaparian, opisyales, layko, parokyano, kamag-anak at kaibigan ni De Leon.

Mahigit 100 na pamilya na naman ang tinulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo na magkaroon ng lugar na matitirhan pagkatapos magsagawa ng pagbabaklas ng mga kabahayan sa may Sitio Saguingan, Brgy. Sta. Cruz. Inilipat ang mga pamilya sa mga relocation sites sa Barangay San Jose sa pangangasiwa ng Urban Settlement and Development Office (USDO). Sinimulan ang pagbabaklas noong Hulyo 2016 sa bisa ng utos ng korte na inilabas ni Judge Evangeline Cabochan-Santos ng Municipal Trial Court, Branch 2.

SUNOD-SUNOD na aksyon laban sa droga ang pinapatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo simula nang magbaba si Pangulong Rodrigo Duterte nang matapang na kampanya kontra droga. Nagsimulang sumuko ang drug pushers at users sa lungsod nitong buwan ng Hulyo na umabot na sa bilang na 1,200.

SUMAILALIM ang mahigit 30 Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) certified graduates sa isinagawang Developing Entrepreneurial Skills Training ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, katuwang ang City Cooperative and Livelihood Office (CCLO) at Department of Trade and Industry (DTI), na ginanap mula Agosto 23 hanggang 25, 2016 sa Ynares Hall ng Rizal Provincial Government. Layon ng seminar na maragdagan ang kaalaman ng mga livelihood benificiaries sa pagtatayo ng sariling negosyo, pamamahala at pagpapalago na rin nito.

UMABOT na sa mahigit 200 ang bilang ng mga natulungan ng libreng Dressmaking Training na handog ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, katuwang ang City Cooperative and Livelihood Office (CCLO) at Technical Education and Skills Development (TESDA). Pangunahing adhikain ng naturang livelihood program na maturuan ng kaalaman sa pananahi ang mga nanay, ate at lola na walang trabaho upang magkaroon sila ng disenteng hanap-buhay o pagkakakitaan.

Naglatag ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ng traffic rerouting sa Hon. B. Soliven Ave. sa Barangay Mayamot upang mapabilis at hindi utay-utay ang isinasagawang “Upgrading of Road and Construction of Drainage Project.”