BAGONG-BUHAY ang naghihintay sa mahigit 200 na sumukong drug users sa Brgy. San Luis na nagtapos sa Community-Based Rehabilitation Program (CBRP) sa ilalim ng “Tayo Na Kontra Droga,” programang kontra droga ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares.  Naganap ang graduation ceremony noong Disyembre 30, 2016 sa San Luis Barangay Hall kung saan tumanggap ang mga graduates ng sertipiko ng pagkilala at bibliya.

Ikinalugod ni Mayor Ynares ang matagumpay na pagtatapos ng mga matatapang na sumukong drug users kaakibat ang pagtitiwala ng mga ito sa programa ng pamahalaang lokal. Aniya, ipinagmamalaki niya ang mga ito dahil sila na ang magsisilbing bagong mukha ng pag-asa.

Katuwang si San Luis Chairman Crisol Cate Sr., ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ilang ahensiya na bahagi ng MASA MASID (Mamamayang Ayaw Sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Iligal na Droga) Team, tumagal ang CBRP sa loob ng 12 linggo simula noong Setyembre 25 hanggang Disyembre 18, 2016.  Aktibong nakibahagi ang mga pasyente sa rehabilitasyon kabilang ang mga programang serbisyong ispiritwal, detoxification, zumba, army dozen exercise, at tree planting. Gayundin, sumailalim rin ang ilang drug surrenderees sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training na welding course.

Samantala, sinagot naman ng pamahalaang barangay ang drug test ng mga recovering drug dependents kung saan mula mahigit 500, umabot sa 234 ang bilang ng mga “cleared” na pasyente o mga negatibo na sa iligal na droga. Nakaabang na rin ang ilan pang programa bahagi ng “after care service” gaya ng pagbibigay ng libreng edukasyon, livelihood trainings, trabaho, at oportunidad para sa tuluyan nilang paggaling.

Patuloy ang pamahalaang lokal, mula sa inisyatibo ni Mayor Ynares, sa pagtulong sa mga taong naging biktima ng ipinagbabawal na gamot na naghahangad na makapagbagong-buhay sa pamamagitan ng pagsagot sa gastusin ng mga drug surrenderees na kinakailangang sumailalim sa rehabilitasyon. Tatagal ng 8-12 buwan ang pagpapagamot at aabot sa P 20,000 ang halaga ng gamutan kada buwan.