HANDOG ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Philippine Band of Mercy ngayong Pebrero ang Joint Cleft Care Surgical Program para sa mga bata at indibidwal na may bingot.

Ayon kay Mayor Ynares, ikinagagalak ng ating lungsod ang patuloy na samahan ng pamahalaang lokal at ng Philippine Band of Mercy upang mahandugan ang ating mga kapus-palad na mga mamamayan na walang kakayahang magpaopera. Dagdag pa niya, makakaasa sila na patuloy ang pagseserbisyo ng nasabing programa sa bawa’t isa.

Magsisimulang tumanggap ng mga aplikante para sa screening sa Pebrero 8 na gaganapin sa Antipolo City Hospital Annex I. Matapos ang nasabing screening, sasailalim ang mga nakapasa sa operasyon sa parehong ospital sa Pebrero 25.

Taun-taon, nagbibigay ang pamahalaang lokal ng libreng operasyon para sa mga kapus-palad na residente na may bingot. Simula noong 2014, umabot na sa 400 na bata at matanda ang naibalik ang kompiyansa sa sarili at nabigyan ng bagong pag-asa dahil sa libreng operasyon.