KAMAKAILAN isang sasakyan na may pulang plaka na gamit ng kawani ng Antipolo City Government ang nakabitan ng wheel clamp dahil sa paglabag sa Antipolo City Wheel-Clamping Ordinance of 2016. Sa kasalukuyan, 80 na ang nahuling sasakyan at napatawan ng nasabing ordinansa dahil sa iligal na pagparada sa kalsada simula noong Enero. Mahigpit na isinusulong ang ordinansang ito dahil patuloy pa din ang pagsikip sa mga pangunahing daan sa lungsod.

Ayon kay Mayor Jun Ynares, layunin ng pamahalaang lokal na gawing maayos ang lungsod at tugunan ang mga daing ng ating mga mamamayan ukol sa lumalalang trapik sa lungsod sanhi ng mga iligal na nakaparada sa kalye.

Wheel Clamping OPSS

Sakop nito ang mga pribado at pampublikong sasakyan na iligal na nakaparada sa mga tow-away zones at no parking areas sa Poblacion at sa iba pang pangunahin at mataong lugar sa lungsod.

Wheel Clamping

Obligadong magbayad ng multa sa City Treasury ang mga nahuli ng halagang P 5,000 sa unang 24 oras at karagdagang P 1,000 sa bawat kasunod na 24 oras o bahagi nito. Matapos nito, ipapakita ang resibo sa OPSS traffic personnel na naka-duty sa lugar kung saan nakaparada ang sasakyan upang tanggalin ang wheel clamp.          

May nakapataw din na multa na nagkakahalaga ng P 1,000 para sa mga magtatangkang sumira o pwersang mag-alis ng wheel-clamp at pagbabayarin din ng halaga ng nasirang kagamitan bukod pa sa multa sa paglabag sa ordinansa.