PATULOY ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagbibigay ng livelihood trainings sa mga mamamayan na miyembro ng Civil Society Organization (CSO). Layunin ng programang ito na sugpuin ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay kabuhayan sa mga bumubuo ng CSO gaya na lamang ng mga persons-with-disability (PWD), out-of-school youth at  iba pang kabilang sa urban poor. Tinatayang mahigit 1,000 ang benepisyaryo ng mga naturang programa na nagsimula noong 2016 at nakatakdang matapos sa darating na Hulyo.

Malaki naman ang pasasalamat ni Mayor Ynares sa DTI at TESDA sa patuloy na pagsuporta sa mga livelihood projects ng pamahalaang lokal. Aniya, hindi titigil ang pamahalaang lungsod sa pagsasagawa ng mga trainings na makakatulong sa paghubog ng talento at kakayanan ng mga indibidwal nang sa gayon ay magamit nila sa kanilang kabuhayan o paghahanap ng trabaho.

Kabilang sa mga programa na pinapangasiwaan ng City Cooperative and Livelihood Office (CCLO), DTI at TESDA ang training sa pananahi ng damit, paggawa ng tinapay, cake at iba pang uri ng pastry,  paggawa ng banana chips at potato chips, at pagproseso ng kasoy. Nagkaroon din ng kaalaman ang ibang benepisyaryo tungkol sa Furniture and Fixture, Garments and Textiles, Metal Engineering Construction and Automotives, at paggawa ng souvenir items mula sa mga recycled materials.

Bukod sa walang bayad ang pagsasanay, handog din ng pamahalaang lungsod ang libreng starter kits para sa mga trainees.