HALOS 36 kilo ng imported at iligal na karne ang nakumpiska ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang National Meat Inspection Service (NMIS) Task Force Bantay Karne at local meat inspectors sa isinagawang Post Abattoir Meat Inspection “Monitoring and Surveillance of Meat and Poultry” sa City Mall of Antipolo (CMA), New Antipolo Public Market (NAPM) at AGORA Market noong Enero 13, 2017. Alinsunod ito sa Memorandum Order No. 01-2017-007 mula sa NMIS kung saan nakatanggap ang ahensya ng ulat na ibinibenta sa mga palengke sa buong bansa ang mga karneng hindi sumailalim sa inspeksyon o pagsusuri nito.

Ayon kay Mayor Ynares, napakahalaga na matiyak na ligtas ang karneng ibinibenta sa mga palengke upang makaiwas sa anumang sakit ang mga mamimili kaya naman bilang aksyon, regular na nagsasagawa ng meat inspection sa mga palengke ang pamahalaang lokal.

Samantala, isinailalim naman sa total condemnation o pagbabaon sa lupa ang mga karneng nakumpiska upang hindi na mapakinabangan pa.

Noong Oktubre 2016, nagsagawa ang pamahalaang lokal ng Basic Meat Handlers and Post Abattoir Control Seminar sa mga palengke at talipapa sa buong Antipolo upang bigyan ng dagdag kaalaman ang mga meat vendors sa tamang paghahanda ng mga panindang karne.

Sa kasalukuyan, ipinagbabawal pa rin ang pag-aangkat ng chicken, ducks, eggs at poultry products mula sa South Korea, Netherland, Germany at France upang makaiwas sa pagkakaroon ng Bird Flu sa bansa.