SA patuloy na pag-arangkada ng taunang LBC/Ronda Pilipinas, muling napili ang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, upang ganapin ang Stage 11 ng nasabing cycling tournament na itinuturing na ikaapat na pinakamalaking naorganisang karera sa buong mundo. Sa pangangasiwa ng PhilCycling, nagsimula ang stage 11 sa Calamba City na may layong 140 kilometro na binagtas ng 82 riders mula sa 12 teams patungo sa finish line sa Hinulugang Taktak Protected Landscape ng Antipolo noong Pebrero 21, 2017.

Ayon kay Mayor Ynares isang karangalan na muling mapili ng LBC/Ronda Pilipinas ang Antipolo upang mabigyan ng pagkakataong maipakita ang mga pagbabago sa lungsod lalo na sa turismo. Ipinagmalaki rin niya na ang Antipolo ay hinirang ng DENR na isang Walkable-Bikeable City dahil sa mga programa ng lungsod na nangangalaga sa kapakanan ng mga sisklista at nagpapalakas sa sport na cycling.

Samantala, nakopo ni Rudy Roque ng Philippine Navy-Standard Insurance ang Individual Stage  sa oras na 3:57:39. Habang sumunod naman ang kaniyang teammate na si Jan Paul Morales at si Ronnel Hualda ng Team Go for Gold na may parehong oras.

LBCRondaPilipinas

 

Napanatili ng Team Philippine Navy-Standard Insurance ang liderato para sa Overall Team Classification na may oras na 151:00:31, pangalawa ang Go For Gold sa oras na 151:52:48 at pumangatlo ang Kinetix/Lab/Philippine Army sa clocking na 151:58:46.

LBCRondaPilipinas2

Bilang pasasalamat pinagkalooban ng LBC/Ronda Pilipinas ang Anipolo City ng isang appreciation trophy sa mainit na pagtanggap at suportang ibinigay para sa katagumpayan ng ikalabing isang yugto ng karera sa pagtatapos ng Luzon Leg. Nagtulungan ang City Administrator’s Office, Antipolo City Culture, Arts and Tourism Promotions Office (AnCCATPO)/Antipolo City Band, Office of Public Safety and Security (OPSS), City Youth Sports and Development Office (CYSDO), General Services Office (GSO) at ang Public Information Office (PIO) para sa kaligtasan at kaayusan ng cycling event.