MAGSASAGAWA ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ng malakihang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa rabies, bakuna sa rabies at libreng pagpapatanggal ng ari ng hayop bilang bahagi ng pagdiriwang ng World’s Rabies Awareness Month na may temang “#END RABIES, NOW NA!” at “Rabies ay Iwasan, Alaga ay Pabakunahan.” Tututukan ng City Veterinary Office ang 16 na barangay lalo na ang may mga matataas na kaso ng rabies mula Pebrero hanggang Marso.

“Delikado po kapag ang ating mga alagang aso at pusa ay wala pang rabies vaccination at ito po ay nakakagat. Ang rabies po ay nakamamatay kaya hindi dapat ito ipagsawalang-bahala. Nais po ng ating pamahalaang lokal na ligtas ang ating mamamayan at mga alagang hayop sa rabies kaya po taun-taon ay hindi po nawawala ang ganitong mga programa,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Unang isasagawa ang programa sa mga lugar ng Barangay Mayamot, Cupang, Sta. Cruz at Mambugan dahil sa mataas na kaso ng rabies. Target ng nasabing programa na mapabakunahan ang 70% ng populasyon ng mga aso at pusa sa lungsod dahil napatunayang epektibo ito na istratehiya sa pagkontrol ng pagkalat ng rabies sa hayop at pagbibigay ng kaligtasan sa tao.

Bukod sa pagpapabakuna, magkakaroon din ng “free castration/neutering” o pag-aalis ng ari ng mga alagang hayop kung nais ng mga pet owners na matigil na ang pagdami ng lahi nito.

Itinuturo rin ang mga dapat gawin sakaling aksidenteng makagat ng hayop gaya na lamang ng agarang pagpapabakuna. Sinasabi rin na ang paglalagay ng bawang sa sugat ay hindi nakagagamot. Nagbibigay din ang City Health Office ng bakuna sa rabies na may apat na sesyon kung saan libre ang unang tatlong sesyon. Para sa huling sesyon, maaaring maghati sa gastos ang apat na pasyenteng nakagat ng hayop.