SINAGIP ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang City Social Welfare and Development (CSWD), Office of Public Safety and Security (OPSS) at City Peace and Order Concern (CPOC) ang 9 na menor de edad na natagpuan sa isang computer shop sa Cogeo Gate 2, Brgy. Bagong Nayon noong Pebrero 11, 2017. Isinagawa ang Lingap Kabataan sa Lansangan Operation bilang bahagi ng maigting na pagpapatupad ng Curfew Ordinance o ang pagbabawal sa mga kabataan na magpakalat-kalat sa lansangan simula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Ayon kay Mayor Ynares, hinihingi niya ang partisipasyon ng mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak nang hindi ito masangkot sa mga gulo at krimen na madalas maganap sa mga lansangan. Aniya, ipinapatupad ang curfew upang siguruhin ang kaligtasan ng mga kabataan.

Dinala sa barangay hall ng Bagong Nayon ang mga menor de edad na natagpuan sa lansangan saka isinailalim sa interview at counseling ng CSWD at pagkatapos ibinalik sa kani-kanilang pamilya.

Samantala, pinaalalahanan naman ng pamahalaang lokal ang naturang computer shop sa maigting na pagpapatupad ng ordinansa.

Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit 600 kabataan ang nasagip ng Lingap Kabataan sa Lansangan Operation.