MAS mataas na salary compensation ngayong 2017 ang handog ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE), para sa mga benepisyaryo ng Special Program for Employment of Students (SPES). Makakatanggap ng P 430.00 salary rate per day ang mga SPES beneficiaries ngayong taon na mas malaki kumpara sa dating P 340.00 per day. Halos 900 na mag-aaral ang maswerteng nabunot sa ginanap na raffle draw para sa SPES noong Marso 9 sa pangangasiwa ng Public Employment and Services Office (PESO) na ginanap sa Ynares Center.

Ayon kay Mayor Ynares, malaking tulong para sa mga mag-aaral ang karagdagang halaga sa kanilang sahod upang matustusan ang mga gastusin sa kanilang edukasyon gaya ng pang-matrikula at pambili ng uniporme maging ng school supplies. Aniya, malaking tulong din ang naturang proyekto upang magkaroon ng karanasan sa pagtatrabaho ang mga estudyante na maaari nilang magamit kinalaunan.

Samantala, bukas ang programa sa lahat ng kabataan sa lungsod na may gulang na  15-25, enrolled sa high school o kolehiyo at nangangailangan ng pinansyal na suporta. Kasama rin dito ang out-of-school youth na nagnanais na makapagpatuloy ng pag-aaral at maging ang mga Persons with Disability (PWDs).

Nakatakda namang magsimula ang mga napiling mag-aaral sa darating na Abril 9.