NAGPAKITA ng kanilang suporta ang mga nasyunal na ahensya ng gobyerno sa naganap na Cooperative Assessment and Planning Session 2017 ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo noong Marso 9, 2017 sa Hinulugang Taktak Hall, Antipolo City Hall. Nakiisa sa programa ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST).

Labis na nagpasalamat si Mayor Jun Ynares sa suportang ibinibigay ng national government sa mga proyekto ng pamahalaang lokal sa mga kooperatiba ng lungsod. Nangako din ang butihing mayor sa patuloy na pagsuporta sa mga kooperatiba kasabay ng paggawa ng marami pang programa at resolusyon na tutulong sa pagpaplano ng mga samahan sa siyudad.

Pinamunuan ng City Cooperative and Livelihood Office (CCLO) ang pagpupulong na dinaluhan ng mahigit 30 kooperatiba mula sa Antipolo City Cooperative Development Council at Antipolo City Cooperative Federation na may layong talakayin ang mga proyekto ng national government agencies na maaaring makapagbigay ng karagdagang pondo sa mga kooperatiba.