NABIGYAN ng bagong pag-asa ang panibagong grupo na 39 drug surrenderers na nagtapos sa Comprehensive Community-based Drug Intervention Program (CCBDIP) ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo na ginanap noong Marso 11, 2017 sa Barangay Cupang.

Ito ang kauna-unahang Graduation Exercise ng Community-based Rehabilitation Program (CRBP) sa barangay na may temang “Pangarap, Pag-asa, Pagbabago” na may layon na ipakita sa lahat na ang pagbabago at pagliligtas sa mga nalulong sa masamang droga ay posible.

“Ang bawat isa sa atin ay dapat mabigyan ng pangalawang pagkakataon upang makapagbago. Hindi lang pagsugpo ng droga ang misyon ng pamahalaang lungsod kundi sa tulong ng mga nasabing ahensya, misyon din po natin ang pagliligtas sa mga nalulong dito,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Tuloy-tuloy ang CCBDIP katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Antipolo – PNP,  Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Interfaith Partnership for the Promotion of Responsible Parenthood, Inc. (IPPRP).

Kaugnay dito, may nakatakda namang Alcohol, Smoking and Substance Involvement Screening Test (ASSIST)  na gaganapin sa Barangay San Roque sa darating na Marso 16, 2017 bilang pagkumpleto ng mga kailangang serbisyo at impormasyon sa mga drug surrenderers sa barangay.