UMABOT sa halos 30 na aso at pusa ang tinanggalan ng ari o sumailalim sa “castration” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares katuwang ang City Veterinary Office, noong Marso 17, 2017. Bahagi ang naturang programa ng pagdiriwang ng National Rabies Awareness Month na may temang “# END RABIES NOW NA!” at “Rabies ay Iwasan, Alaga ay Pabakunahan” na sinimulan noong Pebrero hanggang Marso.

Ayon kay Mayor Ynares, isa lamang ang castration sa mga epektibong solusyon ng pamahalaang lokal sa paglutas ng kaso ng rabies. Aniya, mahalaga pa rin na ang bawat isa ay mayroong sapat na kaalaman tungkol sa rabies at panganib na dulot nito gayundin ng karagdagan at ibayong pag-iingat.

Castration3

Ipinahayag naman ni City Veterinarian Cornelia Vergara na nakakatulong ang castration sa pagbawas ng pagiging agresibo ng hayop. Gayundin, maiiwasan ang pagdami ng populasyon ng mga stray o pagala-galang aso at pusa sa kalye.

Castration2

Bukod sa nasabing programa, abala din ang pamahalaang lungsod sa pagsasagawa ng seminar sa mga barangay at paaralan sa Antipolo upang paigtingin ang kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa rabies.

Castration1

Bukas naman ang opisina ng City Veterinary Office sa mga nagnanais na ipabakuna ang kanilang mga alaga. Simula Enero ngayong taon hanggang sa kasalukuyan, umabot naman sa mahigit 13,000 ang bilang ng mga aso at pusang nabakunahan.