NAGSAGAWA ng “Violence Against Women and Crime Prevention and Proper Reporting Seminar” ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Antipolo-Philippine National Police (PNP), Task Force Peace and Order (TFPAO) at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), sa Inuman Elementary School noong Marso 19, 2017. Bahagi ang programa ng maigting na kampanya ng pamahalaang lokal laban sa pang-aabuso sa kababaihan kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso na may temang “We Make Change Work for Women.”

Ayon kay Mayor Ynares, ang pang-aabuso ay hindi kailanman katanggap-tanggap sa lipunan. Aniya, hindi dapat matakot ang mga kababaihang nakakaranas nito na magsumbong at humingi ng tulong sa awtoridad. Dagdag pa niya, ang mga babae ay dapat ginagalang, nirerespeto at pinapahalagahan.

Tinalakay sa naturang seminar ang nilalaman ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act of 2004 upang paigtingin ang kaalaman ng mga kababaihan tungkol sa kanilang mga karapatan.

Ipinaliwanag din sa programa ang proseso ng pag-aresto para sa mga kaso gaya ng pang-aabuso.

Noong Marso 17, 2017, nagdaos naman ng Daoist Self-Defense Seminar ang pamahalaang lokal kung saan itinuro sa mga kababaihan kung paano maipagtatanggol ang kanilang mga sarili laban sa pisikal na pang-aabuso.