UPANG maiparating sa lahat ang epekto ng Climate Change sa ating kalikasan, taun-taon ipinagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang SM Supermalls ang Earth Hour o ang pag “turn off” ng ilaw sa loob ng isang oras. May temang “This Earth Hour, Shine a Light on Climate Change,” ginanap ang nasabing pagdiriwang sa SM Masinag noong Marso 25, 2017.

“Ang ating kalikasan ay dapat pangalagaan at sa simpleng bagay na ating maiaambag ay makakatulong na tayo kung lahat tayo ay sama-sama sa adbokasiya na ito. Dahil dito, hinihikayat ko na ang lahat ng mamamayan na magpatay ng kanilang mga hindi kinakailangan na ilaw sa kanilang tahanan upang makatipid sa kuryente at malabanan ang Climate Change at Global Warming,” sabi ni Mayor Ynares.

Dumalo sa nasabing selebrasyon ang mga kawani ng City Environment and Waste Management Office (CEWMO) at ang kinatawan ng SM Supermalls na nagbigay ng maikling mensahe at mga paalala sa pag-iingat sa ating kalikasan.

Patuloy ang suporta at pagsasagawa ng pamahalaang lokal sa mga programang pangkalikasan kagaya ng mga clean-up drives, pagtatanim ng puno at halaman, pagtatayo ng Material Recovery Facilities at pagpapaalala sa mga mamamayan na limitahan ang pagkonsumo sa kuryente.