UPANG masiguradong wala ng kawani pa ang masasangkot sa droga, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa tulong ng Antipolo City Anti-Drug Abuse Council (ACADAC), ng “Seminar on Drug Abuse Prevention in the Workplace” noong Marso 22, 2017 na ginanap sa City Hall. Dinaluhan ng 75 mula sa iba’t ibang departamento ang seminar kung saan tinalakay ang mga isyu tungkol sa droga at ang layon ng pamahalaang lokal na gawin “drug-free” ang lungsod.

“Nalulungkot po ako kapag mayroon tayong empleyado na nagpopositibo sa droga dahil ang kasunod po noon ay pagkatanggal sa trabaho. Ito po ay patunay lamang na kahit kalian ay walang magandang maidudulot ang dorga sa buhay ng tao. Sisirain nito ang mga pangarap mo, trabaho mo at relasyon mo sa pamilya. Sa madaling salita, sisirain nito ang buhay mo. Ang kampanya po natin sa droga ay mananatili hanggat may nasisirang buhay dahil dito,” pahayag ni Mayor Jun Ynares.

KampanyaKontraDroga1

Simula pa noong 2013, umabot na sa 72 na kawani ang nagpositibo sa droga pagkatapos sumailalim sa drug test.

Binigyan ang mga dumalo sa seminar ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Comprehensive Dangerous Drug Acts of 2002 at ang mga sintomas na isang lulong sa droga.

KampanyaKontraDroga2

Inilatag din ng ACADAC ang mga kampanya ng pamahalaang lokal sa pagsugpo sa iligal na droga at ang pagbibigay ng bagong buhay sa mga “drug surrenderers” katulad na lamang ng Community-Based Rehabilitation Program (CBRP) at After-Care Services.

Kaugnay dito, may nakatakdang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) Summit na gaganapin sa darating na Abril bilang paghahanda at pagpapalakas ng mga kailangang serbisyo at impormasyon para sa mga drug surrenderers sa Antipolo.